Karaniwan na sa isang OFW ang magkaroon ng payak na dahilan kung bakit siya nangingibang lupain; ang matustusan ang pag-aaral ng kanyang mga anak, kapatid, o simpleng mabigyan ng konting gaan sa pamumuhay ang kanyang mga magulang. Isa ang gitnang silangan sa mga kanlungan ng mga OFW kung saan marami ang nagtatagumpay subalit malaki din naman ang bilang ng mga minamalas na pahirap ang dinaramas imbes na ang ginhawa na pinapangarap, lalo na sa hanay ng mga kababaihan. Isa ako sa mga personal na tumututol sa pagpapadala ng ating mga kababaihan sa bansa kung saan hindi sila malayang nakakasamuha sa kanyang mga kababayan, kung saan mahirap silang maabot, lalo pa’t nasa likod sila ng nagtataasang bakod. Hindi ko na mabilang ang kwento ng pang-aabuso at pagmamalabis na dinaranas ng ating mga kababayan kung saan hindi kasambahay ang turing sa kanila ng ilan bagkus ay mga alipin.

Batid ko na gumagawa ang ating gobyerno ng mga pamamaraan para matigil na ang pagpapadala ng mga kababaihan sa gitnang silangan para maging kasambahay subalit marami pa rin ang pikit matang kumakagat sa matatamis na dila ng mga nasa ahensiya sa Pilipinas kaya’t patuloy pa rin sila na dumadagsa sa disyerto, marahil ay dahil na rin sa kahirapan. Isa si Maria sa naging biktima ng nasabing sistema na dumanas ng kalbaryo sa pagmamalabis ng kanyang mga amo pero mas impiyerno ang kinahinatnan sa kamay ng isang hindi niya kalahi na inakala niyang tutulong sa kanya para makarating sa Embahada ng Pilipinas, matapos siyang udyukan nito na tumakas sa poder ng kanyang amo.

Alam kong napakahina lamang ng tinig ko para iparating sa ating gobyerno ang aking pagsusumamo na itigil pansamantala ang pagpapadala ng ating mga kababaihan para maging kasambahay sa gitnang silangan hanggang sa dumating ang panahon na maging malinaw at konkreto ang mga karapatan ang proteksyon na tatanggapin nila. Ilang Maria pa ba ang kailangang magsakripisyo para sila makinig?

Ang larawan ay hiniram lamang kay Mr. Google.

Opisyal na kalahok sa taunang patimpalak ni J. Kulisap.

Advertisements