Babala: Rated PG ang post na ito.

Ayon sa sabi-sabi masarap kumain ng libre. Ayon naman sa personal kong karanasan, masarap naman talagang kumain ng libre lalo pa’t hindi ka tatakbuhan ng kung sino man ang inatasan na magbayad ng kinain ninyo.

Ilang beses ng nagparinig sa akin ang isa naming kasamahan sa trabaho na may mataas na katungkulan na mag ho-host siya ng isang dinner para sa mga piling opismeyts niya. Nagtanong-tanong ng magandang restaurant na siya ko namang sinagot. Nagulat ako sa tanong niya kung nasa SR6/head daw ba ang charge sa mga binanggit kong restaurants. Ang totoo napatumbling ako dahil hindi naman pang budget-meal yung restaurant na binanggit ko, pangalawa hindi na yata baba sa SR15/head ang kahit anong pagkain na makikita mo sa disyeto sa panahon ngayon. Hindi ko na siya pinansin sa mga sumunod niyang mga tanong at nagpanggap na lang akong busi.

Nuong Miyerkules ng umaga, sinabihin ako ng isa kong opismeyt na mayroong dinner na inihanda para sa mga staff sa isang Thai Restaurant, nalaman ko na yung binabanggit ko sa itaas na opismeyt ko ang nag organisa ng nasabing dinner kaya hindi na lang ako kumibo. Sinabihan ako ng mga kabarkada ko na dapat daw siputin ko ang imbitasyon dahil nakakahiya daw at may ilang Managers din daw na imbitado sa piging. At dahil mahiyain akong tunay, nagdesisyon akong pumunta sa oras na itinakda LOL!

Mahigit sa dalawampu ang imbitado sa nasabing dinner kaya sa isang exclusive section ng restaurant ginawa ang piging; walang patid na daldalan at bolahan ang naganap.

Nang halos patapos na ang piging, matapos mai-serve ang lahat ng maaanghang na pagkain na walang habas namang nilapa ng mga imbitado kasama ako, nagpaalam sandali ang may pasimuno ng pigig at sinabing mag wi-withdraw lang daw siya ng pera sa pinaka malapit na ATM machine. Napatingin ako sa kisame dahil bakit kailangan ngayon mag withdraw ng pera? sinabihan naman siya na hindi na tinatanggap ng nasabing restaurant ang anumang major credit cards isang araw bago pa ang okasyon. Ano ba? Makakalimutin?

Lumipas ang fifteen minutes, thirty minutes, at forty five minutes, walang anino niya ang lumitaw ulit sa restaurant. Isa-isa ng umalis ang mga walang pakundangan kong ka-opisina na hindi man lang magawang hintayin ang nagpakain sa kanila. Ano ba ang napaka importanteng bagay na gagawin nila nung gabi na iyon at akala mo naman ay mga busy. At dahil parang wala na rin kaming balak ng mga kaibigan ko na hintayin ang kasamahan namin na kasalukuyang nawawala ng mahigit sa isang oras na, nagpasya na lang kami na bayaran ang lahat ng ginastos sa restaurant.

Dumating naman ang kasamahan namin habang naninigarilyo kami sa labas ng restaurant at damang-dama naming lahat ang kanyang sinseridad habang ikinukwento sa amin na wala siyang makitang ATM machine mula Jubail hanggang Al-Khobar Chos! Nawala ang pagkainis ko pero hindi pa rin nawawala ang pagkadismaya ko sa mga opismeyts kong lumayas. Wish ko lang na tubuan sana sila ng kahihiyan sa katawan at makuhang maghintay para personal na magpasalamat sa taong nagtawid sa kanila sa gutom nuong gabi na iyon.

Sa lahat ng opismeyts kong dumating nung gabi na iyon na alam kong nagbabasa ng blog ko. Alam na!

Advertisements