Babala: Kwentong Kajologan.

Hindi ako pumasok kanina sa opisina dahil may kailangan akong gawin. Alam kong may maghahanap na naman ng medical report bukas pagpasok ko. Sad to say, wala akong maipapakita kamukha nung huli akong lumiban.

Masama bang magpahinga? naisip ko lang kasing gawin ang mga bagay-bagay na hindi ko nabibigyan ng panahon dahil sobrang busi ko sa sakahan lately (naks). Maghapon kong hinarap ang paglilinis ng kuwarto, paglalaba, at pagtatabi ng kung ano-anong basura na wala ng pakinabang tulad ng mga lumang diaries ko na hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay tinatago ko pa rin. Oo na! alam kong hindi na uso ang diary ngayon, luma na nga sabi ko. Tinangay ko lang ang mga iyan dito sa disyerto dahil ayokong mabasa ng Nanay ko ang mga pinaggagawa ko noon, mahirap na LOL. Hindi ko naman talaga balak buklatin pa ang mga unyetang diaries na iyan dahil alam kong lahat lang naman ng kajologan ko noon ang nilalaman ng mga iyan pero dahil siguro na-curious ako kaya sige lang, binasa ko ang ilang pahina ahaha.

June 8, XXXX

…hindi ko alam kung tama ang gagawin kong paglisan, masakit sa loob ko ang gagawin ko pero eto ang alam kong tama…sana maintindihan mo!

Napamura ako ng matunog na matunog ng mabasa ko yan, hindi ko alam kung bakit may exclamation point pa talaga sa dulo ahahaha. Parang may care naman yata kung sino man ung tao na binabanggit ko sa gagawin kong paglayas. Hindi ko na nga maalala kung sino ba iyong hayuf na iyon na sobrang pa-importante sa buhay ko (biglang nakalimutan) ahahaha.

Eto pa!

Parang listahan lang ng utang o bibilhin sa palengke ang isa ko pang entry sa isang diary, nakalista naman doon ang mga dahilan ko kung bakit ako aalis ng Pilipinas, Umabot talaga ng sisenta ang mga dahilan na para bagang may makapangyarihang pumipigil sa akin na hindi ko na rin maalala kung sino o ano ba yun:

25. To save for the future.
10. To see the world.
60. For a change.

Halatang halata na ipinilit na lang yung No. 60 para umabot sa bilang. Bwahahahaha.

At dahil hindi ko na kakayanin pa na ipagpatuloy ang pagbabasa, nag desisyon ako na tuluyan na silang itago at ibaon siguro sa kalagitnaan ng disyerto kapag nakahanap ng pagkakataon, duon sa lugar na hindi aabutin ng mga tao at kamelyo na mahilig kumain ng mga papel at plastik. Malay mo naman kung may makahukay ng mga iyan pagkaraan ng ilang siglo, maaring maisalin pa ang mga obra ko sa iba’t ibang lenguahe para kapulutan ng mga gintong aral Lols.

Advertisements